Pinaalalahanan ng Bangko Sentral ng Pilipina ang publiko na pangalagaan at igalang ang pera ng Pilipinas.
Hinihikayat din ng BSP ang publiko na iulat ang anumang impormasyon tungkol sa pagsira ng pera sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya.
Kamakailan, nagsampa ng kasong kriminal ang BSP at Philippine National Police (PNP) laban sa anim na indibidwal na nahuli dahil sa sinasadyang pagsira ng mga barya.
Ang mga ito ay naaresto sa magkahiwalay na entrapment operations na isinagawa ng BSP at PNP sa Siquijor at Boracay, Aklan.
Ang Payments and Currency Investigation Group (PCIG) ng BSP at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng PNP ang naghain ng kaso sa Provincial Prosecutor’s Office ng Siquijor at Aklan.
Ayon sa Presidential Decree No. 247, ang sinasadyang pagsira, paggupit, pagsunog, o pagbago sa anyo ng perang papel at barya ay isang paglabag sa batas at may katapat na parusang hanggang limang taong pagkakakulong at/o multang hindi lalampas sa P20,000.00. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes