Iminungkahi ngayon ng Department of Trade and Industry (DTI) na suspindihin muna ang pagpapataw ng taripa para sa mga electronic o e-vehicle sa bansa sa loob ng limang taon.
Ayon kay Trade Secretary Alfredo Pascual, layon nito na mabigyan ng karampatang pagkakataon ang pagpo-promote sa development ng industriya gayundin ay makapanghikayat sa pagkakaroon ng sustainable na transportasyon.
Dagdag pa ng kalihim, bahagi ito ng kanilang proactive na hakbang upang mapalaganap ang paggamit ng electronic vehicle sa bansa, na nakatutulong hindi lamang sa kalikasan maging sa kalusugan.
Kaya naman, isinusulong ng DTI na gawing mura at abot kaya sa merkado ang mga electronic vehicle kung saan, mangyayari lang iyon kung aalisin ang ipinapataw na taripa o buwis sa pag-aangkat nito.
Lumabas sa isinagawang imbestigasyon ng Tariff Commission noong Mayo 12 ng nakalipas na taon, na nananatili sa 20 porsyento ang ipapataw na taripa para sa mga e-jeepney habang 30 porsiyento naman sa e-tricycle. | ulat ni Jaymark Dagala