Isang mambabatas ang nagsusulong na obligahin ang mga utility company na magbayad ng refund sa kanilang mga customer para sa mga unannounced at unscheduled service interruption.
Sa ilalim ng House Bill 8191 ni Davao Oriental Rep. Cheeno Almario, nakasaad na dapat i-refund o i-adjust ng mga electric, water o internet providers ang billing ng kanilang customer na makakaranas ng service interruption na hindi dulot ng natural calamity at tumagal ng 24-oras o higit pa.
Punto ni Almario sa paghahain ng panukala, kada buwan ay sinisingil ng utility companies ang kanilang mga consumer kapalit dapat ng maayos na serbisyo.
Ngunit ang nangyayari aniya, kahit pa may aberya sa serbisyo ng mga utility company at apektado na ang kabuhayan ng consumers ay nananatiling pareho ang singil o charges.
“There is this sort of covenant between utility service providers and consumers that in exchange for the right payment is the right service…We routinely receive our monthly billings regardless of the power outages, water supply interruptions, or internet connection problems. These utility companies don’t fail to charge us even if they don’t deliver on the quality of service they promised. We hope to remedy that,” ani Almario.
Paraan din aniya ito para maging accountable ang mga kumpanya ng tubig, kuryente, telepono at internet lalo na at binibigyan sila ng 25 taong prangkisa. | ulat ni Kathleen Jean Forbes