Muling ipinamalas ng mga Ilocano ang Solid North kasunod ng mainit na pagtanggap sa senatorial candidates ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas.
Pinangunahan mismo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagpapakilala sa 12 kandidato ng administrasyon sa Senado.
Dito isa-isa nilang inilatag ang kanilang mga plataporma at planong mga programa sakaling maluklok sa puwesto.
Ilan dito ay ang maayos na trabaho at pasweldo, healthcare, edukasyon, at transparency sa gobyerno.
Sinabi pa ni dating Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos, na sana’y ampunin ng Ilocos ang buong pamilya ng Alyansa at iboto silang lahat.
Umapela rin si dating Senate President Tito Sotto na matulungan sila ng Norte na magtagumpay sa halalan, dahil magiging tagumpay ito hindi lang ni PBBM, maging ng buong Pilipinas.
Bukod kina Abalos at Sotto, present din sina Makati Mayor Abby Binay, Sen. Pia Cayetano, dating Sen. Panfilo Lacson, Sen. Lito Lapid, dating Sen. Manny Pacquiao, Sen. Bong Revilla, Jr., ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo, Sen. Francis Tolentino, Rep. Camille Villar, at Sen. Imee Marcos, na unang beses na nakibahagi sa pagtitipon ng Alyansa.
Sa kaniyang talumpati sa lokal na dialekto kaniyang sinabi na nasasaktan siya kapag sinasabi na may hindi sila pagkakaintindihan ng nakababatang kapatid na si Pangulong Marcos dahil hindi naman aniya ito totoo.
“Gagangay laeng ti gura ken apa iti pamilya, partido, politiko, pati karruba. Nu dadduma ibagada, apapaek kano ni adingko, ni Presidente Apo Bongbong. Siguro maulaw kayo, sipud met, saan kami nga agapapa kenni adingko. Nasakit nu ibaga da nga apapaek isuna. (Normal na may awayan sa pamilya, partido, politiko kahit magkakapitbahay. Minsan sinasabi nila nag-aaway kami ng kapatid ko, President Bongbong…nasasaktan ako ‘pag sinasabi nilang inaaway ko siya),” sabi ni Sen. Imee. | ulat ni Kathleen Jean Forbes