Nagpulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ang World Bank (WB) para talakayin ang lalong pagpapaigting ng ongoing na proyektong Beneficiary FIRST (BFIRST Project).
Ang naturang inisyatibo ay joint project ng DSWD at World Bank na layong ibsan ang epekto ng pandemya sa mga mahihirap na pamilyang Pilipino at palawakin rin ang social protection delivery system ng kagawaran.
Dinaluhan ni DSWD Secretary Rex Gatchalian at World Bank Country Director Ndiame Diop ang naturang technical discussion na bahagi ng Mid-Term Review (MTR) Mission ng proyekto.
Ilan sa mga usaping natalakay rito ang pagsisikap ng DSWD tungo sa digital transformation, standardization ng targeting system para sa social protection programs, at ang unification ng beneficiary database sa PhilSys integration.
Parte rin ng hangarin ng BFIRST project ay ang pagkamit ng digital data governance at digital payments, kabilang ang transactional accounts para sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.
Nagpasalamat naman si DSWD Sec. Gatchalian sa Workd Bank sa patuloy na suporta nito para maitaguyod ang kanilang mandato na maghatid ng tulong sa mga nangangailangang Pilipino. | ulat ni Merry Ann Bastasa
📷: DSWD