Magpapatupad ng random drug testing ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa lahat ng kanilang attached agencies at maging sa local government units.
Ito ang inanunsyo ni DILG Secretary Benjamin Abalos Jr. sa opening ceremony ng Buhay Ingatan Droga’y Ayawan (BIDA) program Sports and Cultural Fest sa Camp Crame ngayong umaga.
Ayon sa kalihim, ang hakbang ay para matiyak na drug-free ang mga kawani ng gobyerno at bahagi ng supply and demand reduction strategy ng anti-drug campaign ng pamahalaan.
Kabilang sa mga ahensyang saklaw ng random drug test ang PNP, Bureau of Fire Protection (BFP), at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Nauna rito, ang mga pribadong kumpanya ang nagpahayag ng suporta sa BIDA program ng DILG sa ilalim naman ng BIDA workplace. | ulat ni Leo Sarne