Kinumpirma ngayon ng Bureau of Animal Industry na may naiendorso na itong bakuna kontra African- swine fever o ASF sa Food and Drug Administration (FDA).
Ayon kay BAI Asst Dir. Dr Arlene Vytiaco, naisumite na kahapon sa FDA ang rekomendasyon nito para sa AVAC ASF Live Vaccine na mula sa Vietnam.
Ito matapos ang serye ng vaccine field trial kung saan napatunayang epektibo ang bakuna sa pagprotekta sa mga baboy laban sa sakit na ASF.
Ayon sa BAI, isinagawa mula marso hanggang mayo ang clinical trials sa 6 na farm sa Luzon kung saan lumabas ang positibong resulta.
Tinukoy nitong sa safety and efficacy trial, napatunayang ligtas ang AVAC vaccine sa mga baboy kahit higit sa normal dose ang itinurok dito. Wala rin aniyang namatay sa mga baboy na isinailaim sa trial at nakapag-produce rin ang mga ito ng antibodies na pangontra sa ASF.
Oras na may go signal na at maisyuhan na rin ng certificate of product registration ng FDA ay siniguro ng BAI na sisimulan na rin nito ang pagbuo ng TWG, pagbalangkas sa guidelines at rollout ng bakuna sa Pilipinas kung saan 1 dose ang ituturok sa kada baboy na 4-10weeks old.
Punto ng BAI, mahalagang maumpisahan na ang immunization drive laban sa African Swine Fever (ASF) para mapigilan ang pagkalat ng sakit na pumapatay sa mga alagang baboy at mapatatag muli ang domestic na populasyon ng babuyan sa bansa.
Sa tala ng BAI as of June 1 ay aabot na sa 15 lalawigan sa 9 na rehiyon sa bansa ang may aktibo nang kaso ng ASF. | ulat ni Merry Ann Bastasa