Para kay Senadora Nancy Binay, marami pang mga katanungan na kailangang masagot tungkol sa Maharlika Investment Fund (MIF) Bill.
Ito ang paliwanag ng Senadora kaya hindi siya sumali sa botohan o nag-abstain siya sa naging botohan ng Senado tungkol sa pag-apruba ng MIF bill.
Paliwanag ni Binay, hindi siya ganap na makatutol o bumoto ng ‘No’ sa panukala dahil nauunawaan niyang kailangang gumawa ng hakbang para mapasigla ang ekonomiya ng Pilipinas, makalikha ng income sources para sa pangmatagalang pag-unlad ng ekonomiya at makagawa ng trabaho para sa mga Pilipino.
Pero sa kabilang banda, hindi rin nakakita ang mambabatas ang sapat na rason para bumotong ganap na pabor sa MIF bill dahil sa kakulangan aniya nito ng balanse.
Kapos aniya ang panukala sa mga batayang dapat magsusulong sa interes ng taumbayan at magbibigay proteksyon sa pondo na dapat pangalagaan.
Umaasa naman si Binay na maisasakatuparan ng MIF ang claim nito bilang daan tungo sa economic development ng pilipinas. | ulat ni Nimfa Asuncion