Aabot sa 142 na mga pamilyang naapektuhan ng pagalburoto ng Bulkang Taal noong 2020 ang nakatanggap ng bagong bahay at lupa mula sa National Housing Authority (NHA).
Pinangunahan mismo ni NHA General Manager Joeben Tai ang awarding ng house and lot sa mga benepisyaryo sa ginanap na seremonya ngayong biyernes, June 2 sa Talisay Plains Residences, Talisay Batangas.
Ayon sa NHA, karamihan sa mga nabigyan ng pabahay ay mga pamilyang nananatili pa rin sa iba’t ibang evacuation centers kahit ilang taon nang bumuti ang sitwasyon sa Taal Volcano.
Kabilang rito ang 82 pamilyang galing sa Tumaway Evacuation Center; 17 sa Sta. Maria at 43 naman sa Motorpool.
“More than three years have passed since these families became homeless due to a natural calamity. They have been living in the evacuation centers, and it is about time we moved them to a safe and resilient place, to a new house they can call their own.”
Kasunod nito, siniguro ni GM Tai sa iba pang nasalantang pamilya na ang NHA, katuwang ang lokal na pamahalaan ng Talisay, Batangas, ay doble ang pagsisikap upang maging tuluy-tuloy ang pamamahagi ng iba pang pabahay para sa mga biktima.
Pinaalalahanan naman ni GM Tai ang mga benepisyaryo na pahalagahan at pangalagaan ang kanilang mga bagong tahanan.
“Sa ating pong mga benepisyaryo sa araw na ito, ang akin lang pong paalala sa inyo ay pagyamanin po ninyo ang inyong mga bagong tahanan. Ito po’y inyong alagaan at ingatan,” saad ni GM Tai.
Ang NHA Talisay Plains Residences ay binubuo ng 448 housing units, kung saan ang bawat lote ng bahay ay may sukat na 40 sqm.
Bukod dito, magtatayo rin ng mga pasilidad tulad ng paaralan, health center, tricycle terminal, palengke at livelihood center para sa buong komunidad. | ulat ni Merry Ann Bastasa