Hihigpitan pa ng Department of Migrant Workers (DMW) ang pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan, partikular sa Inter-agency Council Against Trafficking.
Ito ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac ay upang maprotekahan ang mga Pilipino laban sa mga sindikatong nais samantalahin ang hangarin ng mga manggagawa na makapagtrabaho abroad.
“We plan to heighten our partnership with the IACAT, the Inter-Agency Council Against Trafficking. Kasi halimbawa, itong bagay na napag-usapan din namin ni Sec. Remulla doon sa UAE itong mga pagsawata ng mga sindikato sa human trafficking. So, we plan to cooperate.”—Cacdac.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ng kalihim na tututukan nila ang pagkalinga sa mga biktima ng illegal recruitment, kabilang ang pagkupkop sa mga ito, at pagbibigay na kakailanganing assistance, habang gumugulong ang kaso.
Sa ganitong paraan, hindi madadala sa anomang areglo o suhol ang mga biktima, makagagawa sila ng sariling salaysay o reklamo nang hindi natatakot, at mapagtitibay ang mga kaso na ihahain laban sa mga sindikatong ito.
“Kasi they can easily give up, madali silang mapainan ng settlement ng illegal recruiter, mag-dangle ng anumang settlement at papayag sila. So, we will shelter them, we will provide them assistance while the case goes on para ma-prosecute, successfully prosecute itong mga illegal recruiters and human traffickers.”—Cacdac.
Target aniya ng pamahalaan, mapapanagot sa batas ang mga nasa likod ng illegal recruitment.
“We take care of the victims. So, the victims can come up with their different statements that can implicate the various syndicates or perpetrators of the crimes of illegal recruitment and human trafficking. Ang kasama doon, pagkalinga sa mga biktima.”—Cacdac. | ulat ni Racquel Bayan