Humingi ng paumanhin si PDP-Laban President Senador Robin Padilla sa naging pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na patayin ang mga nakaupong senador ngayon para magkaroon ng espasyo para sa mga kandidatong kanyang ini-endorso.
Matatandaang ginawa ni Duterte ang naturang pahayag noong campaign kick-off rally ng mga kandidato ng naturang partido.
Sa isang pahayag, pinaabot ni Padilla ang kanyang paumanhin sa mga nasaktan sa naging pahayag ng dating Pangulo.
Sinabi ng senador na kung mayroon mang legal liability, ay handa itong harapin ni dating Pangulong Duterte.
Kasabay nito, ay pinahayag ng mambabatas na hindi naman isang bayolenteng tao ang dating Pangulo.
Matatandaang una nang inendorso ng PNP-CIDG sa DOJ ang pagkakaso ng kasong unlawful utterances at inciting to sedition laban sa dating Pangulo dahil sa mga naging pahayag nito. | ulat ni Nimfa Asuncion