Umapela ang Philippine Medical Association (PMA) kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bigyang-daan ang paggamit ng bagong henerasyon ng bakuna laban sa dengue.
Ito ay kasabay ng mabilis na pagtaas ng bilang ng mga kaso ng dengue na dulot ng lamok na may dalang sakit na ito.
Sa isang liham na pirmado ni PMA President Dr. Hector Santos Jr. at iba pang opisyal ng organisasyon, kanilang ipinaliwanag na nauunawaan nila ang isyu ng kaligtasan ng bakuna laban sa dengue, lalo na kaugnay ng kontrobersiyang dulot ng Dengvaxia noon.
Ayon sa PMA, may mga bagong henerasyon na ng bakuna laban sa dengue na nasa merkado, kabilang ang ilang nasa Phase 3 Clinical Trial na nagpapakita ng magagandang resulta sa aspeto ng kaligtasan.
Isa sa mga bakunang ito ay mayroon nang lisensya sa 40 bansa, kabilang ang Indonesia, Brazil, at European Union.
Ang bakunang ito na gawa sa Japan ay may nakabinbing aplikasyon sa Pilipinas mula pa noong April 2023. | ulat ni Diane Lear