Muling giniit ng mga senatorial candidates ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas ang paninindigan nilang hindi dapat magkaroon ng negative campaigning.
Ito ang giniit ng mga alyansa senatorial candidates sa gitna ng “kill remarks” ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay dating Senador Ping Lacson, walang maitutulong na maganda ang ganitong mga pahayag sa ating mga kababayan, lalo na sa mga ordinaryong Pilipino.
Natural na aniyang divisive ang eleksyon at ang panahon ng kampanya, kaya naman hindi na dapat gumagawa ng mga pahayag na mas makakapagpahati-hati sa mga Pilipino.
Pinahayag naman ni dating Senador Manny Pacquiao na kung wala namang vested interest, hindi dapat humantong sa personalan ang mga atake sa pangangampanya.
Mas mainam aniyang ilatag na lang ang mga plataporma at hayaan ang mga botante na magdesisyon.
Si dating Senate President Tito Sotto naman ay itinuturing na biro lang ang naging pahayag ni Duterte.
Gayunpaman, payo niya sa mga pulitiko, stick to the issue lang dapat dahil oras na humantong sa personal attacks, nangangahulugan itong natalo ka na sa debate.
Samantala, sinabi naman ni dating DILG Secretary Benhur Abalos na hindi sila apektado ng naging pahayag ni Duterte.
Ipagpapatuloy lang aniya nila ang pangangampanya at ilalatag ang kanilang performance sa panunuyo sa mga botante. | ulat ni Nimfa Asuncion