Nilinaw ni Alyansa Para sa Bagong Pilipinas senatorial aspirant Erwin Tulfo na wala pang batas na nagbibigay kahulugan o nagbabawal sa political dynasty sa Pilipinas.
Ito ang paliwanag ni Tulfo ng mahingan ng reaksyon ukol sa inihaing disqualification case laban sa kaniya at iba pang miyembro ng kanilang pamilya na tumatakbo sa eleksyon.
Sa ngayon ay wala aniya siya maikokomento ukol sa kaso dahil hindi pa naman niya nababasa ang petisyon.
Paalala niya, salig sa Article 2 Section 26 ng 1987 Constitution kailangan magpasa ang Kongreso ng batas na magbibigay kahulugan sa political dynasty.
At hanggang sa wala aniya ang batas na ito, ay hindi talaga maiiwasan na may mga magkakapamilya na tatakbo sa halalan.
“Unfortunately, hindi pa po kumikilos ang Kongreso at saka Senado. Hanggang walang batas pa po tayo, eh meron ho talagang ganito. Meron pong mangyayaring ganito,” saad ni Tulfo.
Handa naman ang kinatawan na suportahan ang anomang panukala para tuluyang ipagbawal ang political dynasty sakaling makapasok sa Senado. | ulat ni Kathleen Forbes