Hinihikayat ni Amer Hamza Lucman ng PhilHealth Local Health Insurance Office (LHIO) sa Lungsod ng Marawi ang lahat ng mga myembro ng PhilHealth sa Rehiyon ng Bangsamoro na magpa-rehistro na sa mga Konsulta Providers upang maka-avail ng mga libreng konsultasyon sa ilalim ng nasabing programa.
Kabilang rin sa binigyang-diin sa isinagawang PhilHealth Summit at PhilHealth KonSulTa Registration 2023 nitong ika-3 ng Hunyo ang mga mga enhanced programs ng nasabing tanggapan kung saan dinaluhan ito ng iba’t ibang Municipal Health Offices at iba pang accredited konsulta providers kagaya ng Amai Pakpak Medical Centers, Hijra Clinic, at iba pa.
Dagdag pa ni Lucman, patuloy na layunin ng kanilang tanggapan ang makapaghatid ng primary care benefits para sa garantisadong pangangalaga ng kalusugan.
Para sa karagdagang impormasyon hinggil sa iba’t-ibang mga benepisyo at upang maka-rehistro ng libre ay maaaring bumisita sa PhilHealth LHIO office sa Brgy. Marawi Poblacion, Lungsod ng Marawi.| ulat ni Johania N. Yusoph| RP1 Marawi