Ngayong naghihintay na lang ng pirma ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Maharlika Investment Fund (MIF) bill, pinayuhan ni Senador Chiz Escudero ang mga kritiko at mga nagtataguyod ng MIF na i-monitor ang pag-usad nito.
Iginiit rin ni Escudero na bawal nang magsingit o magbago ng kahit ano sa naipasang bersyon ng MIF bill ng Kongreso.
Aniya, ni typographical error ay bawal nang baguhin sa enrolled bill lalo na kung ito ay pirmado na ng Speaker, Senate President, at ng Pangulo.
Nagpaliwanag naman ang senador kung bakit wala siya sa botohan ng Senado nang ipasa ang MIF bill noong Miyerkules ng madaling araw.
Ayon sa senador, inakala niyang kinaumagahan na magbobotohan para sa panukala dahil napakahaba at napakarami ng mga amendments.
At kahit naman aniya anong mangyari ay ang binibilang naman para makapasa ang isang panukala ay ang mayorya ng quorum, na siyang nangyari sa Maharlika bill.
Matatandaang 19 na senador ang bumoto pabor, isa ang tumutol at isa ang nag-abstain sa botohan ng MIF bill sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado.
Ang bersyong inaprubahan naman ng Senado ay tinanggap ng Kamara at siyang ipinasa sa Malacañang para sa pirma ni Pangulong Marcos. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion