Isang mambabatas ang nagbabala na posibleng madagdagan ang bilang ng dialysis claims na sasagutin ng Philhealth.
Ayon kay Quezon City Rep. Marvin Rillo, ngayong taon ay inaasahang aabot sa ₱20.3 billion ang dialysis claims ng Philhealth bunsod na dumaraming Pilipino na nakakaranas ng chronic kidney disease (CKD).
Kung pagbabatayan kasi aniya ang datos ng Philhealth noong 2022, umabot sa ₱17.3 billion ang kanilang dialysis claims na binayaran o katumbas ng 3.625 million claims.
₱3.3 billion na mas mataas kumpara noong 2021.
“Considering the surge in the number of Filipinos seeking dialysis treatment, total claims payments are likely to increase by around ₱3 billion from ₱17.3 billion in 2022 to an estimated ₱20.3 billion this year,” saad ni Rillo sa isang statement.
Kasabay nito ay binigyang diin din ng kinatawan na mailapit sa publiko ang libreng dialysis treatment.
Katunayan, sa tulong ng mambabatas ay nakapagpatayo na ng dalawang dialysis centers sa Brgy. UP at Brgy. Doña Imelda na libre ang serbisyo.
Mahalaga rin ani Rillo na maipaalam sa publiko ang malubhang epekto ng sakit sa bato lalo na ngayong ginugunita ang National Kidney Month ngayong buwan.
Ayon sa datos ng National Kidney and Transplant Institute, isang Pilipino kada oras ang nagkakaroon ng CKD.
Ito rin ang ika-apat sa pangunahing dahilan ng pagkamatay sa bansa. | ulat ni Kathleen Jean Forbes