Kasabay ng selebrasyon ng National Kidney Month ay inilunsad ngayong araw ng National Kidney and Transplant Institute ang kauna-unahan nitong A.I. powered messenger platform para sa kidney patient education.
Ito ay ang BOTMD Kidney Care na layong gawing mas accessible ang pre-kidney transplant donor at patient education sa pamamagitan ng Facebook messenger at viber messenger.
Ayon sa NKTI, sa pamamagitan nito ay maaari nang i-automate ng NKTI Transplant Coordinators ang buong pre-transplant orientation process.
Dito, maaari nang sumangguni ang mga pasyente patungkol sa mga tanong nila sa Kidney Transplant at Kidney Donation na pwede sa English o Tagalog.
Samantala, bukod sa AI powered messenger platform ay may ilan pang inilatag na programa ang NKTI na bahagi ng selebrasyon nito ng National Kidney Month kabilang ang paglulunsad ng Kidney Transplant Recipient and Donor Handbook, at NKTI One Dialysis Command.
Bukod dito, magkakaroon din ng Libreng BP Screening, Aortic Scan, Ankle Brachial Index, at Consultation sa iVasc tuwing Martes (June 6, June 13, at June 20) sa piling mga pasyente; Advocacy Campaign sa Kidney Disease Prevention and Organ Donation; at Blood Donation Drives. | ulat ni Merry Ann Bastasa