Ginisa ni Senadora Risa Hontiveros ang Bureau of Immigration (BI) dahil hindi pa rin natutunton hanggang ngayon si Atty. Harry Roque, na nahaharap sa reklamong human trafficking kaugnay ng scam hub sa Porac, Pampanga.
Sa pagdinig sa Senado, sinabi ni BI Intelligence Division Chief Fortunato Manahan Jr. na, base sa huling impormasyon nila, umalis ang mag-asawang Roque sa Singapore patungong Dubai.
Sinabi ni Hontiveros na, ayon sa kanyang sources, mula sa Dubai ay pumunta si Roque sa Shanghai, China noong Disyembre 8, saka nagtungo sa Macau.
Gayunpaman, sinabi ni Manahan na wala silang validated proof ng diumano’y pagtungo ni Roque sa China at Macau.
May impormasyon rin aniyang pumunta sina Roque sa Japan at nagtangkang pumunta sa Estados Unidos pero hindi ito pinayagang makasakay sa eroplano patungong U.S.
Wala naman aniyang holdings ang Japan police at immigration kay Roque, pero matapos nito ay wala na silang impormasyon.
Giit ni Hontiveros, dapat malaman kung sino ang tumutulong kay Roque na makapunta sa iba’t ibang bansa. | ulat ni Nimfa Asuncion