Inilunsad ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang Outpatient Benefits Package for Mental Health upang matulungan ang mga Pilipinong may problema sa mental health.
Saklaw ng bagong package ang mga serbisyo tulad ng initial assessments, follow-up consultations, diagnostic tests, at psychosocial support para sa mga kondisyon gaya ng depression, psychosis, epilepsy, child and adolescent mental disorders, dementia, at self-harm o suicide risks.
Ayon kay PhilHealth Acting President at CEO Dr. Edwin Mercado, ang programang ito ay tugon sa pangangailangan ng mas abot-kayang mental health services.
Ang bagong package ay may taunang coverage na P9,000 para sa general mental health services at P16,000 para sa specialized care na maaaring i-avail sa accredited hospitals, health centers, at mental health clinics ng PhilHealth.
Hinimok din ng PhilHealth ang mas maraming healthcare providers na makiisa sa programa upang mas mapalawak ang access ng publiko sa mental health services. | ulat ni Diane Lear