Sinampahan ng kaso sa Office of the Ombudsman si Department of Agriculture (DA) Senior Undersecretary Domingo Panganiban dahil sa isyu ng importasyon ng 440,000 metrikong tonelada ng asukal.
Sa inihaing reklamo ng National Congress of Unions in the Sugar Industry of the Philippines – Agrarian Reform Beneficiaries (NACUSIP-ARB) Council at ALTERNATIBA Party-List, sinabi nitong lumabag sa Section 3 (e) ng Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act pati na sa Article 177 ng Revised Penal Code o usurpation of authority si Panganiban.
Nag-ugat ito sa umano’y ‘sugar smuggling fiasco’ kung saan lumalabas na Enero pa lang o isang buwan bago maaprubahan ang Sugar Order No. 6 ay may importer nang napili na mag-angkat ng asukal.
Partikular na tinukoy ng grupo ang umano’y smuggled sugar na mula sa All Asian Countertrade Inc. na ginawang lehitimo ng DA matapos iisyu ang Sugar Order no. 6
Giit ng grupo, labis na naapektuhan ang mga sugarcane farmer sa naging biglaang pagdagsa noon ng imported na asukal sa merkado.
Una nang inamin ni Agriculture Undersecretary Domingo Panganiban na minadali niya ang pag-aangkat ng asukal pero alinsunod lamang aniya ito sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. | ulat ni Merry Ann Bastasa