Inanunsyo ng PNP Drug Enforcement Group (PDEG) ang pagkakaaresto ng isang Liberian na nagtangkang magpuslit ng 55.3 milyong pisong halaga ng shabu sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kagabi.
Kinilala ni PDEG Director Police Brig. Gen. Faro Antonio Olaguera ang arestadong suspek na si Philip C. Campbell, isang mechanical engineer.
Inaresto ang suspek ng mga operatiba ng PDEG, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) bandang 7:30 kagabi sa NAIA Terminal 3 sa kanyang pagdating sakay ng Qatar Airways Flight QR 934 mula sa Doha, Qatar.
Ito’y matapos na makita sa kanyang bagahe ang tinatayang 8 kilo ng shabu na nakatago sa “yellow powdery spices.”
Ang suspek ay dinala sa tanggapan ng PDEA, at sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. | ulat ni Leo Sarne
: PDEG