Isa sa mga tampok na atraksiyon ngayon sa ginaganap na Philippine Book Festival 2025 ay ang booth ng Presidential Broadcast Service-Bureau of Broadcast Services (PBS-BBS) Radyo Pilipinas, kung saan maaaring subukan ng mga bisita ang pagsasalita on air at maranasan ang tunay na broadcasting experience.
Matatagpuan ang booth sa SM Megamall Mega Trade Hall, na bukas mula 10 AM hanggang 8 PM, hanggang Linggo, Marso 16. Libre ang pagsali, ngunit kinakailangang magparehistro muna bago subukan ang aktibidad.
Para kay Marian Panlilio, isang magulang na bumisita sa booth kasama ang kanyang pamilya, isang magandang oportunidad ito para sa mga bata upang matuto, lalo na sa pagtangkilik ng lehitimong balita sa radyo. Ayon naman kay Vince Marc Lagman, isang estudyante, ang pagkakaroon ng radio broadcasting ay patunay na may mga mapagkakatiwalaang source ng impormasyon sa panahon ngayon ng internet.
Ikinatuwa naman ng ilang lumahok ang mga natanggap na souvenirs mula sa Radyo Pilipinas tulad ng mga foldable fans, payong, stickers, at bookmarks. | ulat ni EJ Lazaro