Ipinanawagan ni Fr. Flavie Villanueva ng Society of the Divine Word sa mga Pilipino, lalo na sa mga Katoliko, na muling suriin ang kanilang pananampalataya kasunod ng pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Villanueva, sa pamamagitan ng CBCP News, dapat bumalik ang mga Katoliko sa isang pananampalatayang nakasentro kay Kristo—na nakaugat sa pag-unawa sa halip na kumukunsinti sa karahasan.
Kanya ring itinanong kung paano naging katanggap-tanggap sa marami, kabilang sa mga Katoliko ang extrajudicial killings sa kampanya kontra droga ni Duterte.
Hinikayat din ni Fr. Villanueva ang mga mananampalataya na suriin nang kritikal ang kanilang paniniwala, sapagkat aniya, ang tunay na pananampalataya ay nagpapalaganap ng kabutihan at tumututol sa anumang anyo ng kasamaan.
Samantala, kagabi oras sa Pilipinas, hinarap ng dating Pangulong Duterte ang International Criminal Court (ICC) sa The Hague sa The Netherlands para sa pre-trial ng kanyang kasong crimes against humanity na may kaugnayan sa libu-libong namatay sa kanyang drug war. | ulat ni EJ Lazaro