Nanindigan ang Pilipinas para sa mas patas at ligtas na labor migration sa isinagawang 353rd Session ng International Labour Organization (ILO) Governing Body sa Geneva, Switzerland.
Sa pangunguna ni Undersecretary Benedicto Ernesto Bitonio, Jr., tiniyak ng delegasyon ng Pilipinas ang patuloy na pagtataguyod ng karapatan ng mga migranteng manggagawa, kabilang ang portability ng benepisyo pagdating sa social security. Dito ipinanawagan ng bansa sa ILO na bumuo ng pandaigdigang balangkas upang matiyak na maipagpapatuloy ng mga manggagawa ang kanilang pensyon, healthcare, at iba pang benepisyo saanman sila magtrabaho.
Binigyang-diin din ng Pilipinas ang pangangailangan ng mas mahigpit na regulasyon sa digital recruitment platforms upang maprotektahan ang mga manggagawa laban sa mapanlinlang na hiring practices.
Bilang isang pangunahing bansang nagpapadala ng manggagawa sa ibang bansa, patuloy na isinusulong ng Pilipinas ang mga repormang magbibigay ng mas matibay na proteksyon at mas pantay na oportunidad para sa lahat ng migranteng manggagawa. | ulat ni EJ Lazaro