Pormal nang binuksan sa pangunguna ni Manila Mayor Honey Lacuna ang ₱45-milyong Lanuza Super Health Center sa Sta. Cruz, Maynila—ito na umano ang ikalimang bagong super health center sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Ayon kay Lacuna, ang pasilidad ay kumpleto sa surgical room, vaccine refrigerator, at walk-in chiller, alinsunod sa mga natutunang aral mula sa pandemya. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng mas matibay na primary health centers upang agad na matugunan ang pangangailangang medikal ng mga Manileño, lalo na sa panahon ng health crises.
Pinayuhan din ng alkalde ang publiko na agad magpakonsulta sa health centers sa unang sintomas pa lang ng lagnat o pananakit ng katawan upang maiwasan ang malalang sakit tulad ng dengue.
Kasabay nito, inatasan niya ang mga barangay na ipagpatuloy ang dengue prevention measures, kabilang ang paglilinis ng mga lugar na maaaring pamugaran ng lamok.
Sa patuloy na pagpapalakas ng healthcare system ng Maynila, tiniyak ni Lacuna na magiging mas mabilis at abot-kamay ang serbisyong medikal para sa lahat ng residente. | ulat ni EJ Lazaro