Balik-operasyon na ngayong araw ang biyahe ng tren ng Philippine National Railways (PNR) sa rutang Legazpi-Naga-Legazpi matapos ang insidente ng derailment sa Nabua, Camarines Sur kahapon.
Ayon sa PNR, agad nilang binuksan ang ruta upang matugunan ang pangangailangan ng mga biyahero. Ang biyahe mula Legazpi patungong Naga ay magsisimula ng 4:49 AM, habang ang Naga-Legazpi trip ay magsisimula ng 5:30 PM.
Naganap ang aksidente bandang alas-2:50 ng madaling araw habang naglilinis ng riles ang inspection train nang mabangga ito ng isang tanker truck sa Paloyon Crossing. Ligtas ang operator ng tren, habang nasa maayos nang kondisyon ang driver ng truck na isinugod sa ospital.
Samantala, normal na ang daloy ng trapiko sa lugar matapos ang rerouting scheme habang hindi rin naapektuhan ang ibang linya tulad ng Calamba-Lucena at Naga-Sipocot.
Muling pinaalalahanan ng PNR ang publiko na sundin ang prinsipyong “stop, look, and listen” upang maiwasan ang mga ganitong uri ng insidente. | ulat ni EJ Lazaro