Hinuli ng magkasamang pwersa ng Bureau of Immigration (BI) at National Bureau of Investigation (NBI) ang 49 na dayuhan sa isang operasyon laban sa iligal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa Macapagal Avenue sa Lungsod ng Pasay City.
Ayon sa BI, isinagawa ang operasyon batay sa isang mission order matapos nilang kumpirmahin kasama ang NBI na ang mga dayuhang ito ay sangkot sa isang fraudulent online scam hub. Natuklasan ng mga awtoridad na ginagamit ang naturang kumpanya bilang front ng cyber-enabled fraud na target ang mga biktima sa loob at labas ng bansa.
Wala ring tamang visa ang mga inarestong dayuhan, ayon sa BI, at dalawa sa kanila ang may derogatory records kabilang ang isang 29-anyos na Bangladeshi na nasa Watchlist Order (WLO) dahil sa illegal recruitment, at isang 25-anyos na Pakistani na nasa Alert List Order (ALO) dahil sa hinihinalang financial fraud.
Ipapasailalim sa deportation proceedings at blacklisting ang mga nahuling dayuhan.
Pinuri naman ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang operasyon, na aniya’y bahagi ng mas pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na POGO at cybercrime, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. | ulat ni EJ Lazaro