Aabot sa 1,067 babaeng Overseas Filipino Workers (OFWs) sa buong bansa ang nabiyayaan ng tulong pangkabuhayan mula sa Balik Pinay, Balik Hanapbuhay (BPBH) program ng Department of Migrant Workers (DMW).

Sa isang programa, kasama ni Migrant Workers Sec. Hans Leo Cacdac si Department of Budget and Management (DBM) Sec. Amenah Pangandaman sa pamamahagi ng P10,000 na tulong pangkabuhayan.

128 na mga babaeng OFW ang tumanggap ng nasabing tulong buhat sa National Capital Region (NCR), habang nasa 939 naman ang mga babaeng OFW ang tumanggap ng kaparehong tulong buhat sa 15 rehiyon sa bansa.

Ayon kay Cacdac, ang pamamahagi ng tulong pangkabuhayan na ito sa mga babaeng OFW ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bigyang kapangyarihan ang mga babae upang makapagsimulang muli.
Sa kaniyang panig, sinabi naman ni Sec. Pangandaman na nakahanda lagi ang pamahalaan na suportahan ang mga Pilipina sa ilalim ng Women’s Budget na nakapaloob sa General Appropriations Act (GAA) kung saan, 5% nito ang mapupunta sa gender-focused programs. | ulat ni Jaymark Dagala
