Muling nagpaalala ang Civil Service Commission (CSC) sa lahat ng kawani ng pamahalaan na umiwas sa ano mang political activities ngayong nalalapit na 2025 National Elections.
Nakasaad ito sa Joint Commission on Elections (COMELEC) – CSC Advisory na may kaugnayan sa Electioneering at Partisan Political Activities.
Kabilang sa maituturing na paglabag ang pagbuo ng mga grupo para mangampanya sa isang kandidato; pgsasagawa ng political rallies; pagpapakalat ng campaign materials na may pabor o laban sa isang kandidato; pangangalap ng boto para sa isang kandidato o partido; at gayundin ang paggamit ng resources ng gobyerno para sa pampulitikang layunin.
Bawal rin ang pagsusuot ng campaign-related shirts, pins, caps, o accessories at pagiging watcher ng isang kandidato o partido sa araw ng halalan.
Ayon sa CSC, ang sino mang lumabag rito ay maaaring maharap sa kasong administratibo.
Kaugnay nito, nagpaalala rin ang CSC sa responsableng pagpost sa social media. | ulat ni Merry Ann Bastasa