Pahayag ni Atty. Maria Aurea Bo-Bunao, Provincial Election Supervisor (PES) ng Albay, hinggil sa kanilang paghahanda para sa “NATIONWIDE OPERATION BAKLAS.”
Kasabay ng pagsisimula ng kampanya ng mga kandidato para sa iba’t ibang lokal na posisyon kaugnay ng nalalapit na Mid-term Election sa Mayo 12, 2025, puspusan na ang paghahanda ng kanilang tanggapan para sa pagsasagawa ng Operation Baklas.
Nanawagan si Atty. Bunao sa lahat ng kandidato at kanilang mga tagasuporta na tanggalin na ang mga campaign materials na hindi nakapwesto sa itinalagang common poster areas bago sa Marso 28. Aniya, magpapadala ng abiso ang kanilang opisina sa mga kinauukulan upang ipaalam ang mga campaign materials na kailangang alisin dahil hindi ito sumusunod sa tamang regulasyon.
Nilinaw rin niya na hindi saklaw ng Operation Baklas ang mga campaign materials na nakakabit sa pribadong ari-arian, anuman ang laki ng mga ito. | ulat ni Nancy Mediavillo| RP1 Albay