Pinayuhan ni Senior Citizen party-list Rep. Rodolfo Ordanes ang seniors at retirees na ingatan ang kanilang mga ipon at pensyon mula sa mga scammer.
Aniya, marami nang lolo at lola ang nabudol dahil sa mga magaganda o mabulaklak na salita at pangako.
Paalala niya, huwag na huwag magtitiwala sa mga agent na nakilala nila sa labas at makipagtransaksyon lang sa mismong tanggapan ng SSS, GSIS, Pag-Ibig Fund o kanilang health insurance, at mga bangko.
Huwag din aniya ibibigay ang detalye ng kanilang ATM o bank account at lalong huwag itong isasangla.
Kasabay nito ay nanawagan din ang kinatawan sa Senado na pagtibayin na sana ang panukalang Senior Citizens Protection Against Fraud Act na May 2024 pa naaprubahan sa Kamara. | ulat ni Kathleen Forbes