Ganap nang vat-free ang mga banyagang turista na bibisita sa bansa ngayong pirmado na ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng RA 12079.
Ang bagong VAT Refund System ay magtutulak ng pagdagsa ng turista sa bansa na siyang magpapataas ng ating tourism arrival.
Ayon kay Finance Secretary Ralph Recto, layunin ng gobyerno na hikayatin ang mas maraming turista na bumisita, manatili nang mas matagal, gumastos nang malaki, at magkaroon ng mas maginhawang transaksyon sa Pilipinas.
Tinitiyak niya na ang VAT refund process ay magiging simple, madaling ma-access, at inklusibo upang mapakinabangan ito ng mga komunidad, negosyo, at turista.
Bilang bahagi ng IRR ng bagong batas, inatasan ang Department of Finance (DOF) na kumuha ng mga kilalang international VAT refund operators upang magbigay ng mabilis at maayos na refund system.
Maaaring makuha ng mga turista ang kanilang refund sa pamamagitan ng electronic transactions o cash.
Bukod sa refund system, binigyang-diin din ni Recto ang kahalagahan ng mga hakbang ng Department of Tourism (DOT) sa pagpapakilala sa Pilipinas bilang pangunahing destinasyon para sa mga turista. | ulat ni Melany V. Reyes