Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP) kaugnay sa pagpatay sa stand-up comedian na si Gold Dagal.
Ayon kay PNP Spokesperson at PRO 3 Director PBGen Jean Fajardo, may sinusundan nang lead ang mga awtoridad, ngunit hindi maaaring ibunyag ang detalye upang hindi maapektuhan ang imbestigasyon. Aniya, maraming posibleng motibo ang tinitingnan, kabilang ang mga lumalabas sa social media.
Sa ngayon, tatlong indibidwal ang tinitignan ng PNP na may kinalaman sa pamamaril sa biktima.
Sinabi ni Fajardo na patuloy ang pakikipag-ugnayan ng Angeles City Police Station sa mga kaibigan at kaanak ng biktima upang makakalap ng karagdagang impormasyon.
Bilang bahagi ng mas pinalawak na imbestigasyon, nag-utos na rin si Fajardo ng pagbuo ng isang Special Investigation Team upang mapabilis ang pagresolba ng kaso.
Matatandaang si Gold Dagal ay nasawi matapos na magtamo ng gunshot wound sa ilalim na bahagi ng kanyang mata at tumagos sa kanyang ulo noong March 16, 2025 sa isang establisimyento sa Angeles City, Pampanga. | ulat ni Diane Lear