Makapagdudulot ng malaking ginhawa para sa mga commuter ang pagpapalawig o pag-extend ng oras ng operasyon ng MRT at LRT, ayon kay Senadora Grace Poe.
Pinunto ni Poe na sa nakatakdang rehabilitasyon ng EDSA, mas marami ang inaasahang gagamit ng MRT at LRT para sa kanilang pagbibiyahe.
At sa pamamagitan aniya ng extended operating hours na ipapatupad ng dalawang tren, makakasiguro ang mga commuter ng sapat at episyenteng public transportation.
Kalakip ng extended operating hours, dapat rin aniyang magkaroon ng dagdag na seguridad, help desks, at regular na maintenance ng mga pasilidad ng mga tren upang masiguro ang maayos at komportableng biyahe.
Epektibo na ang extended operating hours ng MRT-3, kung saan magsasara na ang North Avenue Station ng 10:25 ng gabi habang ang Taft Avenue Station ay magsasara ng 11:04 ng gabi.
Samantala, bukas naman nakatakdang magsimula ang extended operating hours ng LRT, kung saan ang huling tren na aalis mula sa Dr. Santos Station ay 10:30 ng gabi, habang ang huling tren mula sa Fernando Poe Jr. Station ay aalis ng 10:45 p.m. | ulat ni Nimfa Asuncion