Binigyang pagkilala ni senatorial candidate at Makati Mayor Abby Binay ang mga kababaihan kasabay ng pagdiriwang ng National Women’s month, ngayong buwan.
Sa kanyang pagbisita sa Lungsod ng Quezon, tinawag niyang mga “superwoman” ang mga kababaihan dahil kinakayang gampanan nito ang iba’t ibang tungkulin nang sabay-sabay.
Inihalimbawa din nito ang mga hamong nalagpasan ng mga babaeng mayor tulad nila ni Mayor Joy Belmonte, bilang patunay na pwedeng balansehin ang career at pagpapamilya.
Samantala, nangako rin ang alkalde na isusulong ang regular na pasahod sa mga opisyal at kawani ng barangay sa halip na honoraria, at ang security of tenure para sa trained barangay health workers.

Tiniyak niyang isusulong niya ang libreng maintenance medicines at ang pagsama ng preventive healthcare sa PhilHealth coverage.
Sumali rin si Binay sa pagpupulong ng may 1,000 urban farmers, kung saan pinuri niya ang Quezon City Government para sa tuloy-tuloy na pagsuporta sa urban farming.
Pagtitiyak ni Binay, makakaasa ang Quezon City dahil laging handang tumulong ang Makati dahil sila ay isang pamilya sa Metro Manila. | ulat ni Melany Valdoz Reyes