Tututukan ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro ang pag-reporma sa military and uniformed personnel (MUP) pension system.
Ayon sa kalihim, ito ang marching order ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanya nang ipagkatiwala sa kanya ang pamumuno sa kagawaran.
Bilin aniya ng Pangulo, makipagtulungan sa legislative partners ng kagawaran at Armed Forces of the Philippines (AFP) para maisulong ang paghahanap ng “sustainable” na pension system na nasimulan ni dating DND OIC Sr. Undersecretary Carlito Galvez Jr. at Finance Secretary Benjamin Diokno.
Sinabi ni Sec. Teodoro na pag-aaralan niya ang iba’t ibang panukalang “adjustments” para maging “self sustaining” ang pension fund ng mga MUP.
Matatandaang nitong Marso, inanunsyo ni Sec. Diokno na inaprubahan ng Pangulo ang panukalang reporma sa MUP pension para maiwasan ang “fiscal collapse”.
Kabilang sa mga iminungkahing reporma sa MUP pension ang pagtanggal ng automatic indexation sa pension at ang pagpataw ng mandatory na kontribusyon sa mga tauhan ng militar. | ulat ni Leo Sarne
📷: Joan Bondoc