Tiniyak ng Quezon City local government ang aktibong pagsusulong nito ng pantay at inklusibong komunidad para sa mga miyembro ng LGBTQIA+.
Ibinahagi ito ni QC Mayor Joy Belmonte sa isinagawang “Economic Impact of Exclusion Based on SOGIESC* and the Promotion of Inclusion” webinar ng Asian Development Bank Institute.
Ayon sa alkalde, ibat ibang programa at inisyatibo ang ipinatutupad sa QC para sa mga LGBTQIA+ kabilang ang Gender Fair Ordinance kung saan isinusulong ang malayang pagpapahayag ng pagkatao maging ng isang mag-aaral.
Bumuo na rin ng Strategic Action Plan for 2023-2028 ang Quezon City Pride Council na nagse-set ng target at layunin para sa komunidad.
Taon-taon ding nagsasagawa ang lungsod ng commitment ceremony para sa LGBTQIA+ couples.
Habang sinisiguro rin ng QC ang kaligtasan at kapakanan ng mga miyembro ng komunidad sa pamamagitan ng pagtatatag ng mga pasilidad na poprotekta sa kanila mula sa gender-based violence, tulad ng QC Protection Center at Bahay Kanlungan. | ulat ni Merry Ann Bastasa