Arestado ang 49-taong-gulang na lalaki matapos siyang mahuli ng mga awtoridad sa isang entrapment operation sa Paco, Maynila.
Ayon sa ulat ng PNP Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG), kinilala ang suspek na si alyas “Popoy,” na umano’y ilegal na nagbebenta ng SIM-based GSM Blasters o Text Blast Devices online sa halagang P10,000.
Ang text blast machine ay isang device o software na ginagamit upang magpadala ng maramihang text messages nang sabay-sabay sa maraming indibidwal. Madalas itong ginagamit ng mga scammer sa kanilang mga ilegal na gawain.
Batay sa imbestigasyon ng ACG, inamin ng suspek na nabili niya ang mga device mula sa isang dating security guard na nagtrabaho sa isang POGO sa halagang P5,000. Ayon sa kaniya, hindi niya alam kung paano ito gamitin kaya napagdesisyunan niyang ibenta na lamang para kumita.
Nakumpiska mula sa suspek ang isang unit ng SIM-based GSM Blaster (Text Blaster Device), isang unit ng SIM Box, at walong port.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012 at Radio Control Act. | ulat ni Diane Lear