Naghain si Senadora Loren Legarda ng isang resolusyon upang maimbestigahan sa Senado ang kalagayan at seguridad ng mga non-Moro Indigenous Peoples (NMIPs) sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ito ay kasunod ng mga ulat ng pagpatay at iba pang aksyon ng karahasan laban sa mga komunidad na ito, kabilang ang pamamaslang sa pinuno ng tribong Teduray-Lambangian na si Fernando Promboy.
Kilala si Promboy sa kanyang matibay na paninindigan laban sa marahas na pananakop sa mga ancestral lands.
Binigyang-diin ni Legarda ang pangangailangan ng isang independent validation, komprehensibong imbestigasyon, at mga hakbang para sa proteksyon upang mapanagot ang mga salarin habang pinapalakas ang seguridad ng NMIPs mula sa mga panganib, banta, at karahasan.
Sa resolusyong inihain ng senadora, pinasusuri ang mga hamong kinakaharap ng NMIPs sa BARMM, kabilang ang mga hadlang sa pag-access sa katarungan, kakulangan ng sapat na programang pang-proteksyon, at ang pangangailangan para sa pinatibay na mga interbensyong legal.
Gayundin, pinapanukala ang pagpapalakas ng mga polisiya upang matiyak ang buong inklusyon ng NMIPs sa agenda ng kapayapaan at kaunlaran ng Bangsamoro at ng pambansang framework. | ulat ni Nimfa Asuncion