Nagtitiwala si Senador Joel Villanueva sa judgement ni General Romeo Brawner Jr. bilang pinuno ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas, na may mandatong protektahan ang mga Pilipino at ang estado.
Ito ang pahayag ng senador kasabay ng pagsang-ayon sa sinabi ni Brawner sa mga sundalo, na dapat maghanda oras na lusubin ng pwersa ng China ang Taiwan.
Ayon kay Villanueva, sumasang-ayon tayo sa kasabihan na ‘it is better to prepare than to repair’.
Kumpiyansa rin ang mambabatas, na handa ang ating militar na depensahan ang ating teritoryo mula sa ano mang sitwasyon.
Giit ni Villanueva, ang kaligtasan at seguridad ng mga Pilipino ang dapat na laging pangunahing prayoridad.
Nanawagan rin ang Senate Committee on Labor sa Department of Foreign Affairs (DFA) at sa Department of Migrant Workers (DMW), na laging maging handa at maging proactive sa pagprotekta ng mga kababayan natin sa Taiwan.
Mayroon aniya tayong AKSYON fund sa ilalim ng DMW na maaaring gamitin sakaling kailanganin ng emergency repatriation. | ulat ni Nimfa Asuncion