Alinsunod sa kautusan ni Philippine National Police (PNP) Chief, PGen. Rommel Francisco Marbil at matapos makakalap ng sapat na ebidensya, inireklamo ng Police Regional Office 7 ang 2 indibiduwal na nagpapakalat ng disinformation sa social media
Kinilala ni Police Regional Office 7 Director, PBGen. Redrico Maranan ang dalawa na sina Leocimar Magallanes at Salic Daurong na sinampahan ng reklamong paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012
Sa panayam ng Radyo Pilipinas kay Maranan, sinabi ni Maranan na ang 2 ang nasa likod ng pagpapakalat ng video patungkol sa Sinulog Grand Procession subalit pinalabas na ito’y protest rally bilang suporta kay dating Pangulong Rodrigo Duterte
“Online kasi ito so hinabol natin at sinundan natin yung mga digital footprint. specifically ginamit yung grand procession nung Sinulog Festival at sinabi yun ay prayer protest rally. Initial pa lang ito, Ito yung unang 2 nakita natin dahil sabi ko nga kanina masinsin yung pagtugaygay nung ating mga cyber investigators sapagkat kailangan sundin natin yung tamang proseso.” – PBGen. Maranan
Paliwanag ni Maranan, seryosong paglabag ang pagpapakalat ng fake news dahil may epekto ito sa tiwala at kaligtasan ng publiko
Nagbabala pa ito na may mabigay na parusa ang pagpapakalat ng maling impormasyon gaya ng pagkakakulong ng hindi bababa sa 12 taon na pagkakakulong
“Doon naman sa mga tao na naghahangad ng kaguluhan, panic and kalituhan, huwag nila gawin yan sapagkat meron silang nalalabag na batas. Bukod doon, ay nakakaperwisyo ka ng mga inosenteng tao, may mga nagka-cancel ng appointment, may mga hindi nagpupunta sa lugar na iyon kahit may official o personal transaction sila dahil akala nila ay totoo yung mga pinopost na ganoong kalaki yung crowd so naaabala at bukod diyan, yung resources ng ating mga kababayan ay nasasayang” wika ni PBGen. Redrico Maranan. | ulat ni Jaymark Dagala