Nadagdagan pa ang mga mambabatas na kumondena sa ginawang pambabastos ng isang congressional candidate sa Pasig sa mga solo parent.
Ayon kay House Deputy Majority Leader Jude Acidre, hindi siya taga Pasig pero kung sakali man, hindi aniya niya iboboto ang naturang kandidato.
Giit niya, hindi na dapat iboto ang mga kandidato na binabastos at ginagawang katatawanan ang mga kababaihan.
Welcome din para kay Acidre na nagpalabas na ng show cause order ang COMELEC sa naturang kandidato para pagpaliwanagin.
Suportado rin ni House Assistant Minority Leader Arlene Brosas ang pagsilip ng poll body sa naturamg insidente.
Aniya, hindi dapat bigyan ng platform ang mga kandidato na kinakasangkapan ang mga babae para suportahan ang kanilang baluktot na pag-uugali.
Naniniwala rin ang lady solon na may merito para ipadiskwalipika ang naturang kandidato o di kaya’y maghain ng disbarment case laban sa kaniya, dahil isa rin siyang abogado. | ulat ni Kathleen Forbes