Inanunsyo ng pamunuan ng MRT-3 na magpapatuloy ang pagpapatupad nito ng extended weekday operations.
Ibig sabihin, mananatili ang bagong last trip schedule sa weekdays na 10:35 PM sa North Avenue Station, at 11:09 PM sa Taft Avenue Station.
Ayon sa MRT-3, ito ay dahil sa positibong feedback mula sa publiko at alinsunod sa direktiba ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon.
Sa unang dalawang linggong pilot test ng naturang polisiya, umabot sa 61,004 na pasahero ang napagsilbihan sa karagdagang oras ng operasyon.
Sa bilang na ito, 29,530 pasahero ang nakinabang mula March 24- 28, habang 31,474 naman mula March 31-April 4.
Bukod sa pinalawig na oras ng biyahe, magpapatuloy rin ang MRT-3 sa pagdagdag ng isang train set tuwing rush hour upang lalong mapabuti ang serbisyo para sa mga pasaherong late na umuuwi. | ulat ni Merry Bastasa