Nanawagan si Cagayan de Oro Representative Rufus Rodriguez sa China na atasan ang kanilang Navy, Coast Guard, at militia vessels na nasa loob ng 200 mile Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas na umalis na.
Ang panawagan ng kongresista ay kasunod ng paglisan ng Chinese research ship at iba pa nitong escort vessel sa EEZ ng Vietnam.
Ayon kay Rodriguez, kung umalis na sila sa EEZ ng Vietnam ay dapat umalis na rin sila sa EEZ ng bansa.
“I don’t know what prompted the Chinese to leave Vietnam’s territorial waters, whether it was the Vietnamese protest or the US-China talks. But whatever it was, if they left Vietnam’s EEZ, they should also leave our exclusive economic zone,” saad ni Rodriguez.
Pagbibigay-diin ng mambabatas, walang bansa, maliit man o malaki, ang may karapatang manghimasok sa EEZ ng ibang bansa.
Kung matatandaan, noong nakaraang buwan ay iniulat ng Philippine Coast Guard na nasa 100 Chinese Coast Guard at militia ang nananatili sa Ayungin Shoal at Juan Felipe Reef na kapwa pasok sa ating EEZ.
“The Chinese have no business staying in waters, shoals and islets that belong to us under international law. Ayungin and Juan Felipe Reef are well within our 200-mile EEZ, the shoal being about 120 miles and the reef around 175 miles from Palawan. Those are more than 800 miles from the nearest Chinese island. China should abandon those areas,” dagdag ng mambabatas.
Kasabay nito ay pinapurihan ni Rodriguez ang aniya’y matapang na pahayag ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na kung ano ang sa Pilipinas ay sa Pilipinas lamang. | ulat ni Kathleen Jean Forbes