Nakausap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ngayong araw (April 7) si Qatari Ambassador Ahmed bin Saad Al-Homidi.
Ayon kay Communications Usec Claire Castro, sa pulong na ito, ibinahagi ng ambahador na dismissed o ibinasura na ng Qatari authorities ang reklamo laban sa 17 OFW na hinuli dahil sa isinagawang unauthorized demonstration sa Qatar, para sa selebrasyon ng kaarawan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong March 28.
“Kanina ay nakipagpulong si Pangulong Marcos Jr. kay Qatari Ambassador to the Philippines Al-Homidi. Sinabi ng Qatari Ambassador na pinalaya na ang 17 na inaresto sa Qatar at dinismis [dismissed] na rin ang mga kaso laban sa kanila.” -Usec Castro.
Ayon sa opisyal, sinabi ng Qatari ambassador na sumasalamin ang hakbang na ito ng matatag na pagkakaibigan ng dalawang bansa.
“Ayon kay Ambassador Al-Homidi, ito raw ang reflection ng maganda at matatag na pagkakaibigan ng dalawang bansa. Ang pagpapalaya ay bunsod ng utos ng Pangulong Marcos na tulungang makalaya ng labimpito sa DMW. Isa po itong good news.” -Usec Castro.
Noong nakaraang linggo, una nang iniulat ni Migrant Worker Secretary Hans Leo Cacdac na nabigyan ng Qatari authorities ng provisional release ang mga OFW.
Ang pagkilos ng DMW ay alinsunod na rin sa utos sa kanila ni Pangulong Marcos na tulungang makalaya ang mga OFW.
“Nakikita po natin kung gaano po ba kabilis magtrabaho ang ating Pangulo, kaya parang ito po ay taliwas sa mga bintang ng iba na walang nangyayari sa ating bansa. Ito po ay talagang tinutukan po ng ating Pangulo para po mabigyan po ng tulong ang 17 na kababayan natin dito sa Qatar, at ito nga po ang naging resulta na na-dismiss na po ang kaso at mapalaya po sila.” -Usec Castro.