Isang open letter ang inilabas ni House Committee on Women, Gender and Equality Chairperson Geraldine Roman sa vlogger na si Mocha Uson dahil sa campaign jingle nito.
Ayon sa kongresista, ikinalungkot niya ang mga salita sa jingle ni Uson na tumatakbo sa lokal na posisyon, partikular ang mga kataga na ‘Cookie ni Mocha, ang sarap-sarap’.
Aniya batid niyang wala namang masamang intensyon si Uson, ngunit naniniwala siya na may mas maganda pa siyang magagawa.
Paalala niya na mas maiging gamitin ni Uson ang kaniyang plataporma para isulong ang paggalang sa katawan at pagkatao ng mga kababaihan.
Saad pa ng congresswoman na dapat iwasan ang objectification ng katawan ng mga kababaihan, ito man ay biro o patawa dahil sa nababalewala ang matagal na paglaban ng mga kababaihan para sa paggalang.
Hindi rin aniya dapat ginagawang gimmick o palabas ang kasarian.
Paalala pa niya na dapat itaas ang antas ng diskurso at magbigay ng tunay na inspirasyon sa publiko. | ulat ni Kathleen Forbes