Itinuturing na hakbang sa tamang direksyon ni House Deputy Majority Leader Paolo Ortega ang ideya ng administrasyong Marcos na bumili ng 20 F-16 fighter jets.
Sabi ni Ortega sa isang pulong balitaan, kahit sino namang may ari ng isang bahay ay titiyakin na hindi mapapasok ng kung sino lang ang kaniyang tahanan.
“Kasi nga ang bahay mo naman, hindi puwedeng walang bantay. Hindi puwedeng pasukin na lang ng kung sino-sino. Eh kahit siguro sino sa atin ‘pag pinasok naman tayo kailangan na ma-defend natin ‘yung sarili nating bahay,” ani Ortega.
Giit niya na ang hakbang na ito para sa modernisasayon ng ating Sandatahang Lakas ay para sa pagtatanggol ng ating sarili at hindi pang opensiba.
“Sabi ko nga ‘yung ginagawa na modernization is geared towards defense. Kahit sinong bansa, kailangan may kakayahan na ipaglaban o ipagtanggol yung kanyang sarili. Again, it’s a step in the right direction,” dagdag niya.
Aminado ang mambabatas, na hindi pa sapat sa ngayon ang pondo para sa buong modernisasyon ng AFP, ngunit ang mahalaga ay unti-unti na itong nasisimulan.
“Alam ko na hindi pa enough ang pondo natin but paunti-unti at least we are modernizing. So we have the chance to better our defense and we have the chance na ang AFP natin is mabigyan sila ng kaukulan na pondo para magamit sa pagprotekta ng ating bansa,” sabi pa niya. | ulat ni Kathleen Forbes