Pinapanukala ni Senador Jinggoy Estrada na ideklara ang buwan ng Setyembre bilang Buwan ng Pelikulang Pilipino.
Sa kanyang Senate bill 2250, isinusulong rin ng senador na magkaroon ng libreng sine at pagdadaos ng film festival tuwing Setyembre para mapasigla ang lokal na industriya ng pelikula.
Pinaliwanag ni Estrada na hangad rin niya sa pagsusulong nito ang mapalago ang pokal na industriya at mapalawak ang isang bahagi ng creative economy at maitaas ang pamantayan at kalidad ng mga Pelikulang Pilipino kapantay ng pinakamahusay sa mundo.
Target rin ng panukala na mapanatili ang kultura at legasiya ng mga lokal na pelikula at ipamalas ang Filipino talents sa ibang bansa.
Minamandato ng panukala ang Film Development Council of the Philippines (FDCP) ang pagdadaos ng film festival na tatawaging “Pista ng Pelikulang Pilipino” para sa isang linggong eksklusibong pagpapalabas sa lahat ng regular na sinehan at streaming websites o platforms na nasa ilalim ng pangangasiwa ng nasabing ahensya.
Magkakaroon din ng libreng pagpapalabas ng mga klasikong pelikulang Pilipino at mga internationally acclaimed short o feature-length movies sa mga teatro at iba pang katulad na venue na nasa pamamahala ng gobyerno kabilang ang FDCP, Cultural Center of the Philippines at National Commission for Culture and the Arts (NCCA).
Sa nasabing panukala, inaatasan din ang FDCP na magsagawa ng mga aktibidad sa promosyon ng pelikula at edukasyon, pati na ang pagbibigay ng training na may kinalaman sa sektor ng pelikula gaya ng directing, scriptwriting, editing, musical scoring, atbp. | ulat ni Nimfa Asuncion