Pinulong na ni Philippine Red Cross Chairman Dick Gordon ang mga opisyal at staff ng PRC Albay Chapter para paghandaan ang pag-aalburoto ng bulkang Mayon.
Sa kanilang pulong, bumuo na ng comprehensive response plan ang Red Cross sa anumang inaasahang worst-case scenario na idudulot ng bulkan.
Sinabi ni Chairman Gordon na nakatuon ang PRC sa estratehikong pag-deploy ng mga kinakailangang resources para sa mahusay at epektibong pagtugon.
Pagtitiyak pa nito na magiging matatag ang presensya ng PRC sa Albay at sa buong rehiyon ng Bicol, lalo na sa panahon ng aktibidad ng bulkan at iba pang kalamidad.
Sa ngayon,nakataas na ang alert level 3 sa bulkang Mayon o may mataas na posibilidad na magkaroon ng pagsabog. | ulat ni Rey Ferrer